Ikinukubli ang dalampasigan
sa mga alon ng karagatan. Maalwan
ang tanglaw ng buwan: kay layo
Kay layo ng nilakbay ng liwanag
upang iharaya sa aking katawan
ang isang buntonghininga.
At ngayong lumalahid ito
sa kaluluwa ko, ano pa ba
dapat ang nadarama
bukod sa pangungulila? Tahimik
ang himig ng pagkubli’t wari pag-uwi
ang inihihimig ng tanglaw:
tambog ng mga palad mo sa rabaw
ng tubig, tinig kong nangangatal,
mukha mong tumatanglaw
na binasag ng kilapsaw. May himig
ang gabi na ayaw kong malirip, at takot ako
dahil baka tunog ito ng pagtatampisaw
O di kaya’y himig ng pagbabalik-
tanaw. Ang napakalawak na bughaw
sa kawit ng natatanging buwan. At abong
hinog ang buhanging sinasalin
ng aking mga palad. Mahal, abot ba
ng liwanag ang alaala kung saan ka?
No comments:
Post a Comment