24 October, 2010

Sa Mga Huling Araw

May pangamba sa ating pagtingala.
Sa umaga, tanaw natin ang mga tore
ng usok, itim sa malawak na bughaw.

Sa gabi, kumikintal ang kalawakan
sa ating mga mata, kung saan naglalaho
sa tanglaw ng ilaw-poste ang mga tala.

Pinipigil natin ang ating hininga
kapag sumasambulat sa gabi ang
sanlaksang ibong tinatabunan

panandalian ang ating mga anino.
Tinatapat sa ating mga mata ang
maitim nilang hubog, ang marahan

nilang salimbay. Tanaw natin
ang kanilang paglaho sa malamang hita
ng ulap na unti-unting nababahiran

ng abo. At sa sandali ng pagyao nila
sa ating gunita, mararamdaman natin
ang bagal ng ating hininga’t pagkuyom

ng marurumi nating mga kamay.

No comments: