Pag-amin
nang kinuha mo sa aking kamay
ang isang bato, at ipinukol ito
sa karagatan. Tumagos ito sa banayad
na balat, naglikha ng panandaliang
sugat, na kagyat pinunan ng tubig gamit
ang sarili. Hindi natin namamalayan
itong paghilom, pagpuna,
habang dinadala sa atin
ang kung anu-anong nakaraang
hinahaplos ang tahimik na katawan
ng dalampasigan. Dinadala sa atin
ang mga buwang alaala lamang
ng mga ulap ang nilalaman, mga ulap
na mabagal na nilalakbay ang bawat araw,
ang buong umaalong pagitan ng ako
at ng kasalukuyan. Lumuloob ako sa tanglaw,
nailalantad ang akong nasa bingit
ng isang kapalaran. At kailangan kong
lumundag, kailangan kong lumundag. . .
at tinatalunan mo ang mga alon
nang walang alinlangan, tinatalunan
habang tumatawa habang tangay ako
sa kamay, upang sabayan ka,
pero tila ako ang iyong sinabayang
maglakbay lagpas sa karagatang
ako, sinabayan upang marating
ang isang banyagang dalampasigan
at mag-abang ng panibagong buwan.
Sa sandaling iyon, umiral ang isang tagpo.
