Mahal, patawad, kung iniwan ako
ng salita. Walang katagang lumalaya
sa aking labì, o hikbing bumabalong
sa sahig. Walang iniluluwal
mula sa taludtod, kundi mahinang huni
ng puso. Patawad, at hindi kumukuyom
ang mga sandaling humayo na sa ala-ala’t
nanalaytay sa aking mga ugat, sa mga silat
ng aking mga pangarap. Mahirap
magmahal, kanilang bulong. Di ako makausad
sa mga saknong, pagkat sasayad ako sa rabaw
ng sakit. Di ako sanay sa dilim. Walang umaalalay
sa aking tinig maliban sa buntong-
hininga. Maliban sa paglanghap ng hangin,
tumatangay ng salita, habang iniuuwi sa panaginip
ang mga tinik. Sumasalangit
sabay sa alipato ng kandilang tumatanglaw
sa pagitan nitong mga kataga. Mahal,
paumanhin kung mangmang ako
sa mga pinting ng nakaraang umaahon
sa mata, bilang mumunting luha’t uha.
4 comments:
masarap basahin nang malakas. :)
rachel,
salamat sa pagdalo't pagbasa!
ano yung puna mo sa mga akdang ganito? :)
Monch, nahirapan ako sa piyesang ito. Masyadong madaldal for me. Lumilipat-lipat ung paggamit ng senses kaya parang ang simple lang noong nais sabihin ng tula pero nabulabog ng palipat-lipat ung ganda. I would suggest zoning in on a singular image, para mas contained :)
Isa pang suggestion: ano nga ba ang special/significant sa liham? Bakit liham? Magandang tingnan ang history ng liham para may ibang level maliban sa personal, kung meron nga. 'Un lang ung sa akin.
Sana nakatulong :)
"may berso kung basahin
ay balong di maarok.
kaya pala malalim,
puro burak ang pusod."
- sinaunang tula
kaya pala akma 'to sa lahat ng mga akda ko.
Post a Comment