14 April, 2010

Sa Aplaya

Naghahabulan tayo sa aplaya habang bahagyang natatabunan ang araw ng mga ulap, nang makita kong isang pawikang napadpad sa dalampasigan. Sa buhanging kumikindat, sinkislap ng plastik sa kaniyang leeg ang gintong kuwintas mo. Kasing lalim ng kaniyang mga mata ang umaalong karagatan. Noong yumuko ka

upang kumilatis, tumingala ito sa iyo at nagkasalubong ang iyong mga mata. Biglang bumugso mula sa karagatan, at sa iyong pagkahumaling sa lawak, sa ginhawa ng hangin, pilit mong inalis ang supot ng McDo sa kaniyang paa. Nang tiningnan mo ang loob ng supot, tumambad

ang isang batang maliit: maalwan, lukot na lukot at tumititig sa sariling sinapupunan. Hindi tumitingala. Kadalasan, hindi ko inaalala ang sumunod: lumalabas ang likidong itim sa barusong balat, kinukumot ang dalampasigan. Bituin, hiyaw mo. Paano nga ba

makahuhulagpos sa paglaho, isip ko noon, sabay tingin sa pawikang bumabalik sa umaalong karimlan, habang, mula sa bibig, narurungisan ng samu’t saring bahagi ng kaluluwa ko ang buhangin, kung maglalaho na tayo bago pa man lamang makahuhulagpos?

No comments: