28 October, 2009

Liham sa Dalampasigan

“Are they then kept secret? No. We can keep secret only what we know. The poet does not keep the names a secret. He does not know them.” —Heidegger, Martin. The Nature of Language, 2nd lecture.




Hindi ko alam kung bakit hindi
Kita nahagilap; ngayon lang kasi
Ako natauhan sa iyong paglaho,

Habang kumikislap ang buwan
Sa buhanging tulog, habang dinuduyan mo

Sa pagitan ng aking mga paa
Ang mga ala-alang balasaw, sa iyo
Bumabalik. Ngayon lang ulit tayo

Nagkasalubong sa kanlungan nitong
Dalampasigan, sa saluksok, sa pagitan
Ng mga nananaginip nating anak,  

Sa mga nakausling sandali’t salitang
Hindi ko nakayang ibulong. Hindi
Kasi kita nahahagilap: minsan lang,

Sa gabi ng bawat buwan. Madalang
Sa panaginip ang pagdayo. Palihim
Kung humaplos ang kamay. Lumalayo

Ka na nga sa amin. Maluningning
Ngunit pabigla ang pamamaalam mo…

Ngayon mag-isa nalang ako sa pagkuna
Ng mga panaginip. Malumi ang sinag
Habang nakababad ako sa limay.

Tumatagpas ang mga titik sa buhanging
Idinuduyan sa kawalan. Ang pangalan mo
Ang ukitan ng mga suliraning lagalag. 



No comments: